Skip to main content
GOV.PH  |  Philippine Standard Time:

3,000 DSWD FOOD PACKS, NAIPAMAHAGI NA; TULONG MULA SA LGU, NAKATAKDANG MATANGGAP NG LAHAT NG PAMILYANG HINDI PA NABIGYAN

August 20, 2026

Umabot na sa kabuuang 3,000 DSWD Family Food Packs ang naipamahagi sa iba’t ibang barangay ng Mexico mula Lunes hanggang ngayong araw, bilang tugon sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.

Pinangunahan ang pamamahagi nina Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales at Vice Mayor Dr. Jonathan R. Pangan, kasama sina Councilor Engr. Tristar Sotto, Councilor Allaine Ramos, Councilor Ludet Sicat, at Councilor Jaypee Gozun, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni MSWDO Sharmaine Pabustan-Sigua.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Mayor Ruding ang kanyang pasasalamat sa DSWD Field Office III, sa pangunguna ni Regional Director Venus Rebuldela, sa pagtugon sa kanyang request na mabigyan ng Family Food Packs ang mga Mexicanong naapektuhan ng Habagat.

Binigyang-diin din ng alkalde na hindi magtatapos sa pamamahagi ng DSWD ang pagtugon ng Lokal na Pamahalaan. Ang mga pamilyang hindi pa nakatatanggap ng Family Food Packs mula sa DSWD ay bibigyan ng relief goods mula sa munisipyo, gamit ang calamity funds, upang matiyak na walang pamilyang nangangailangan ang maiiwan.

Patuloy itong naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga lingkod-bayan ng Mexico mula sa pangunguna ni Mayor Ruding, katuwang si Vice Mayor Doc Pangan at ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga Mexicanong apektado ng kalamidad.

Kasabay nito, muling nanawagan si Mayor Ruding sa lahat ng Mexicanos na manatiling maingat at mapagmatyag. Hinihikayat ang sinumang nangangailangan ng agarang tulong na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga emergency hotlines ng munisipyo:

MDRRMO – (045) 435-4405 / 0970-824-8622

PNP MEXICO – 0998-598-5462

BFP MEXICO – (045) 966-3292 / 0942-060-4042

MSWDO – (045) 435-2751

NATIONAL EMERGENCY HOTLINE – 911

#BayungMexico


Skip to content