BAGONG AMBULANSYA PARA SA CULUBASA AT GANDUS, PERSONAL NA INIHATID NI MAYOR RUDING
July 16, 2026
Patuloy ang paghahatid ni Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales ng mga bagong ambulansya sa iba’t ibang barangay ng Bayan ng Mexico. Sa pagkakataong ito, personal niyang ipinagkaloob ang dalawang ganap na kagamitang ambulansya sa Barangay Culubasa at Barangay Gandus, sa suporta ng buong Sangguniang Bayan ng Mexico sa pamumuno ni Vice Mayor Dr. Jonathan R. Pangan.
Kasama rin ni Mayor Ruding sa turnover sina Councilor Engr. Tristar Sotto, Councilor Allaine Ramos, at Councilor Vince Balajadia, bilang pagpapakita ng pagkakaisa ng lokal na pamahalaan sa patuloy na paghahatid ng dekalidad na serbisyo para sa mga Mexicano.
Ang dalawang ambulansya ay nabili sa pamamagitan ng 20% Development Fund ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico para sa taong 2025 bilang bahagi ng layunin ng administrasyon na mas mapalakas ang serbisyong pangkalusugan at mapabilis ang pagtugon sa mga emergency sa bawat komunidad.
Bawat ambulansya ay kumpleto sa mahahalagang kagamitan gaya ng mga gamot, first aid kits, fire extinguisher, stretcher, at oxygen tank upang agad itong magamit sa oras ng sakuna o anumang medikal na pangangailangan.
Sa pagdaragdag ng mga ambulansyang ito, mas magiging handa ang Barangay Culubasa at Barangay Gandus na magbigay ng mabilis, maaasahan, at ligtas na serbisyong medikal sa kanilang mga residente.
Sa pangunguna ni Mayor Ruding Gonzales, at sa patuloy na suporta ni Vice Mayor Doc Pangan at buong Sangguniang Bayan, tuloy-tuloy ang pagsasakatuparan ng mga proyektong direktang nagpapabuti sa kalidad ng serbisyo at buhay ng bawat Mexicano.









