BAGONG DIALYSIS CENTER, PORMAL NANG NAGBUKAS SA BAYAN NG MEXICO
Pormal nang pinasinayaan nina Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales, Pampanga 3rd District Representative Congresswoman Mica Gonzales, Vice Mayor Dr. Jonathan R. Pangan, at Angeles City Vice Mayor Amos Rivera ang DialyPlus Dialysis Center sa Barangay Santa Cruz, Mexico, Pampanga nitong Huwebes, Hulyo 23, 2026.
Ayon kay DialyPlus Dialysis Founder Albert Lagman, ang bagong pasilidad ang ikaapat na DialyPlus Center sa lalawigan ng Pampanga. Layunin nitong mapalapit at mapalawak ang access sa dekalidad na dialysis services para sa mga pasyenteng nangangailangan nito.
Binigyang-diin din ni Congresswoman Mica Gonzales ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis sa bansa at ang mahalagang papel ng mga lingkod-bayan sa pagsusulong ng mga programang makatutulong upang mabawasan ang bilang ng mga nagkakaroon ng sakit sa bato.
“It’s alarming. It’s 250,000 dialysis patients all throughout the Philippines and increasing 20 to 25 percent every year. What can we do as public servants to help stop or decrease the percentage on how it is increasing,” ani Congresswoman Mica.
Sa programa, ibinahagi nina Mayor Ruding at Vice Mayor Doc Pangan na pinag-aaralan ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico at ng DialyPlus Dialysis Center ang posibilidad ng isang Memorandum of Agreement (MOA) upang madagdagan ang serbisyong maibibigay sa mga pasyenteng nangangailangan ng dialysis, lalo na’t limitado na ang kapasidad ng Mexico Community Hospital para sa naturang serbisyo.
Kapag naisakatuparan ang kasunduang ito, inaasahang makikinabang ang mga kwalipikadong miyembro ng PhilHealth nang wala nang babayarang dialysis treatment.
Sa kanyang mensahe, hinikayat naman ni Mayor Ruding ang mga Mexicano na higit pang pangalagaan ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng wastong pagkain at malusog na pamumuhay upang makatulong sa pag-iwas sa mga sakit sa bato.
“Ang kawalan ng disiplina sa pagkain ang isa sa mga dahilan kung bakit dumarami ang nangangailangan ng dialysis. In-eencourage ko ang mga taga-Mexico na sanayin ang kanilang mga anak na kumain ng gulay,” ani Mayor Ruding.
Dinaluhan din ng mga department heads ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico at mga opisyal ng Barangay Santa Cruz ang programa bilang pagpapakita ng suporta sa pagbubukas ng bagong pasilidad na inaasahang makatutulong sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa bayan.
Patuloy na isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico, sa pamumuno ni Mayor Ruding, ang mga programang nagpapalawak ng access ng bawat Mexicano sa dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang institusyon at sektor.
#RSGCares
#BayungMexico
CLICK HERE: https://www.facebook.com/share/p/1FT1nJnaRW/