Skip to main content
GOV.PH  |  Philippine Standard Time:

COURTESY VISIT | MAYOR RUDING, MAFC OFFICERS NAGKAISA PARA SA MAS MALAKAS NA SEKTOR NG AGRIKULTURA

August 4, 2026
Nagbigay ng courtesy visit ngayong araw ang mga opisyal ng Municipal Agriculture and Fisheries Council (MAFC) ng Bayan ng Mexico kay Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales, kasama si Municipal Agriculturist Lauly Pineda, upang talakayin ang patuloy na pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa ating bayan.
Kabilang sa mga dumalo sina MAFC Chairman Ador Manalili, Vice Chairman Rannie Manaloto, Treasurer Esteria Arada, at Auditor Joel Manaloto, na nakipagpulong kay Mayor Ruding hinggil sa mga programa, proyekto, at mga hakbang na isinusulong ng lokal na pamahalaan para sa kapakanan ng ating mga magsasaka.
Sa naging talakayan, binigyang-diin ni Mayor Ruding na ang kanyang administrasyon ay nananatiling tapat, bukas, at transparent sa pagpapatupad ng lahat ng programa at proyekto, kabilang ang mga nakalaan para sa sektor ng agrikultura. Aniya, bawat pondong ginagamit ng pamahalaang bayan ay dapat magbunga ng mga proyektong may tunay na pakinabang sa mamamayan, lalo na sa mga magsasakang siyang nagsisilbing gulugod ng ating ekonomiya.
Isa sa mga pangunahing inisyatiba ng administrasyon ay ang tuloy-tuloy na paggamit ng mga heavy equipment ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang barangay upang palalimin, hukayin, at linisin ang mga sapa at daluyan ng tubig. Layunin nitong mapabuti ang irigasyon ng mga sakahan, mabawasan ang pagbaha sa mga taniman, at matiyak ang sapat na suplay ng tubig na mahalaga sa produksyon ng ating mga magsasaka.
Ipinahayag naman ng mga opisyal ng MAFC ang kanilang suporta sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan at kinilala ang kahalagahan ng mga proyektong nakatutulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng sektor ng agrikultura sa Bayan ng Mexico.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, muling pinagtibay nina Mayor Ruding, Municipal Agriculturist Lauly Pineda, at ng mga opisyal ng MAFC ang kanilang pagtutulungan upang maisulong ang mas marami pang programang magbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa mga magsasaka. Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ruding Gonzales, patuloy na isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico ang isang agrikulturang produktibo, matatag, at may sapat na suporta bilang pundasyon ng isang mas maunlad na Bayung Mexico.

Click here: https://www.facebook.com/share/p/1KoLPQC7XY/

Skip to content