EXPANSION NG PSU MEXICO CAMPUS
EXPANSION NG PSU MEXICO CAMPUS, ISINUSULONG
Isinusulong ni Mexico Mayor Ruding Gonzales ang pagpapalawak ng Pampanga State University (PSU) Mexico Campus sa Barangay San Juan.
Personal na nakipagpulong si Mayor Ruding kay PSU President Dr. Enrique Baking noong Martes, Hunyo 9, 2026, upang talakayin ang plano. Layunin nitong magbigay ng mas maraming slot, bagong kurso, at mas magandang pasilidad para sa mga lokal na mag-aaral.
Ayon kay Mayor Ruding, malaking tulong ito sa mga estudyanteng kapos sa pondo at nahihirapan sa biyahe. Bukod sa mga taga-Mexico, makikinabang din dito ang mga mag-aaral mula sa Arayat, Santa Ana, at Magalang, habang nababawasan naman ang siksikan sa PSU Main Campus sa Bacolor.
Humiling din ang alkalde ng dagdag na pagkakataon para sa mga kuwalipikadong estudyante, lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya na hindi pa nakakapasok sa unibersidad.
Nakahanda naman si Dr. Baking na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan. Pinuri niya si Mayor Ruding dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na may alkalde ng Mexico na personal na lumapit sa kanya para sa pagpapatatag ng campus.
Kasama rin sa pulong sina PSU Vice President Engr. Reden Hernandez at Municipal Administrator Engr. Nestor Pineda upang simulan ang pag-aaral sa mga kakailanganing pasilidad at programa.
CLICK HERE: https://www.facebook.com/share/p/18mMMXx8hh/









