Skip to main content
GOV.PH  |  Philippine Standard Time:

ISA PANG PANALO PARA SA EDUKASYON: ₱52.59 MILYONG PONDO PARA SA MGA BAGONG SILID-ARALAN, NAIUWI NINA MAYOR RUDING AT VICE MAYOR DOC PANGAN PARA SA MEXICO

July 21, 2026

https://www.mexicopampanga.gov.ph/wp-content/plugins/photo-gallery/images/tw-gb/shortcode_new.jpg

Pinangunahan ni Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales, sa suporta nina Vice Mayor Dr. Jonathan R. Pangan at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Mexico na sina Councilor Konsi Vince Balajadia, Councilor Engr. Tristar Parungao Sotto, at Councilor Allaine Ramos, ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico at ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Hulyo 20, 2026, sa Makati City para sa proyektong magtatayo ng 16 na bagong silid-aralan sa bayan.

Ang kasunduan ay nilagdaan ni Assistant Secretary Aurelio Paulo “AP” Bartolome, na kumatawan kay Department of Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara. Naisakatuparan ang proyektong ito sa pamamagitan ng suporta at inisyatiba nina Former Senior Deputy Speaker at Congressman Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr., Congresswoman Mica Gonzales, at Board Member MyMy Mercado Gonzales.

Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang DepEd ng ₱52.59 milyong pondo para sa pagtatayo ng 16 na bagong silid-aralan sa Gandus Elementary School, San Jose Matulid Elementary School, Sto. Domingo Elementary School, at Suclaban Elementary School. Ang bawat paaralan ay magkakaroon ng dalawang palapag na gusali na may tig-apat na silid-aralan, kalakip ang mga kinakailangang school furniture upang higit na mapabuti ang kapaligiran sa pag-aaral ng mga kabataang Mexicano.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Ruding Gonzales, katuwang si Vice Mayor Doc Pangan at ang buong Sangguniang Bayan, patuloy na isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico ang pagdadala ng malalaking proyektong pinopondohan ng national government. Sa pamamagitan ng masigasig na pakikipag-ugnayan sa mga national government agencies at ng patuloy na suporta nina Former Congressman Dong Gonzales, Congresswoman Mica Gonzales, at Board Member MyMy Mercado Gonzales, naiuuwi sa Mexico ang mga programang hindi na kinakailangang tustusan mula sa pondo ng munisipyo o pondohan sa pamamagitan ng pangungutang.

Para kay Mayor Ruding Gonzales, ang bawat proyektong naiuuwi sa Mexico ay hindi lamang dagdag na imprastraktura kundi isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng bawat batang Mexicano. Sa kanyang pamumuno, nananatiling prayoridad ang paghahanap ng mga oportunidad at pakikipagtulungan sa national government upang maihatid ang mga proyektong may pangmatagalang pakinabang sa bayan.

Taos-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., kay Department of Education Secretary Sonny Angara, at sa buong DepEd sa patuloy na suporta sa mga programang magpapalakas sa sektor ng edukasyon at magbibigay ng mas maliwanag na kinabukasan para sa mga kabataang Mexicano.

#RSGCares
#BayungMexico

CLICK HERE: https://www.facebook.com/share/p/1EMEHEpkuf/

Skip to content