MAYOR RUDING, AGARANG KUMILOS MATAPOS BUMARA ANG DALUYAN NG TUBIG SA SAN LORENZO
August 9, 2026
Tone-toneladang basura ang agad na nahakot sa San Lorenzo Bridge sa direktiba ni Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales matapos itong magdulot ng pagbabara sa daloy ng tubig sa lugar.
Gamit ang heavy equipment ng Lokal na Pamahalaan, isinagawa ang clearing operations upang mabilis na maalis ang naipong basura at muling mapadaloy nang maayos ang tubig sa ilalim ng tulay.
Pinaniniwalaang inanod ang malaking bahagi ng basura mula sa ibang bahagi ng ilog na konektado sa Abacan River, bago naipon sa San Lorenzo Bridge.
Sa kabila nito, muling nananawagan si Mayor Ruding sa mga residente na panatiliin ang disiplina, lalo na sa wastong pagtatapon ng basura. Aniya, hindi sapat ang paglilinis ng pamahalaan kung patuloy namang nagtatapon ng basura sa mga ilog, sapa at iba pang daluyan ng tubig.
Matagal nang ipinag-uutos at isinusulong ni Mayor Ruding, katuwang si Vice Mayor Doc Pangan at ang Sangguniang Bayan, ang tuloy-tuloy na pagpapalinis, pagpapalalim at paghuhukay sa mga sapa at daluyan ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng Mexico gamit ang heavy equipment ng munisipyo.
Gayunman, binigyang-diin ng alkalde na ang pangangalaga sa mga daluyan ng tubig ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng bawat Mexicano upang mapanatiling malinis at bukas ang mga daluyan ng tubig at makatulong sa pag-iwas sa pagbaha.
Sa pamumuno ni Mayor Ruding, agarang aksyon para sa kaligtasan kasabay ng panawagan para sa sama-samang disiplina at responsibilidad.
Click here: https://www.facebook.com/share/r/18ptfHD23P/