MAYOR RUDING, ISINUSULONG ANG PAGPAPALAWAK NG PSU MEXICO CAMPUS
EDUKASYONG ABOT-KAMAY NG MGA MEXICANO: MAYOR RUDING, ISINUSULONG ANG PAGPAPALAWAK NG PSU MEXICO CAMPUS
BACOLOR, PAMPANGA – Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng dekalidad at mas abot-kayang edukasyon para sa mga kabataang Mexicano, personal na nakipagpulong si Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales kay Pampanga State University (PSU) President Dr. Enrique G. Baking, ngayong Martes, June 9, 2026, sa Office of the University President.
Sentro ng kanilang talakayan ang pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Mexico at ng Pampanga State University, partikular ang posibilidad ng pagpapalawak ng PSU Mexico Campus sa Barangay San Juan. Ayon kay Mayor Ruding, isang malaking hakbang ito upang mas maraming kabataan ang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo, lalo na ang mga estudyanteng may sipag at kakayahan ngunit kapos sa buhay.
Naniniwala rin ang alkalde na hindi lamang mga taga-Mexico ang makikinabang sa naturang inisyatiba kundi maging ang mga mag-aaral mula sa mga karatig-bayan tulad ng Arayat, Santa Ana, Magalang, at iba pang kalapit na lugar. Inaasahan ding makatutulong ang pagpapalawak ng campus upang mabawasan ang kakulangan ng slots sa PSU Main Campus sa Bacolor at mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga nagnanais na makapagtapos ng kolehiyo.
Ipinahayag naman ng PSU sa pamumuno ni Dr. Baking ang pagiging bukas nito sa pakikipagtulungan sa Lokal na Pamahalaan ng Mexico para maisakatuparan ang mga programang makapagpapalawak ng access sa edukasyon. Sa kanilang pag-uusap, pinuri rin ni Dr. Baking ang inisyatiba ni Mayor Ruding at ibinahaging ito ang kauna-unahang pagkakataon na isang alkalde ng Mexico ang personal na lumapit sa kanya upang isulong ang ideya ng pagpapalawak ng PSU Mexico Campus.
Bukod sa pagtalakay sa mga pangmatagalang plano para sa edukasyon, personal ding inilahad ni Mayor Ruding kay Dr. Baking ang kalagayan ng ilang estudyanteng Mexicano na nagnanais makapag-aral sa PSU ngunit hindi pa nabibigyan ng pagkakataong makapasok rito. Bilang isang lider na naniniwalang susi sa pag-unlad ang edukasyon, personal niyang ipinaabot ang hangaring mabuksan ang mas maraming oportunidad para sa mga kabataang Mexicano na nais makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral sa kolehiyo.
Para kay Mayor Ruding, ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang pamana na maaaring iwan sa susunod na henerasyon. Kaya naman patuloy niyang isinusulong ang mga hakbang at programang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga kabataang Mexicano at magbibigay-daan sa kanilang mas maliwanag na kinabukasan.
Kasama rin sa naging pagpupulong sina Engr. Reden M. Hernandez, Vice President for Academic Affairs ng PSU, at Municipal Administrator Engr. Nestor S. Pineda.
CLICK HERE: https://www.facebook.com/share/p/1E2DoTLSnU/









