PALAWAKIN ANG PSU MEXICO CAMPUS!
PALAWAKIN ANG PSU MEXICO CAMPUS
Isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico ang pagpapalawak ng Pampanga State University (PSU) Mexico Campus sa Barangay San Juan upang mabigyan ng mas maraming oportunidad sa kolehiyo ang mga kabataang Mexicano.
Personal na nakipagpulong si Mayor Ruding Gonzales kay PSU President Dr. Enrique Baking nitong Martes, Hunyo 9, upang talakayin ang mga hakbang para mapalawak ang access sa abot-kaya at de-kalidad na edukasyong pangkolehiyo sa bayan.
Ayon kay Mayor Gonzales, maraming mag-aaral ang may kakayahan at determinasyong makatapos ng kolehiyo ngunit nahaharap sa mga hamon tulad ng kakulangan sa pinansyal na suporta, gastusin sa transportasyon, at limitadong pagkakataong makapasok sa unibersidad.
Sa ilalim ng panukala, maaaring madagdagan ang bilang ng mga estudyanteng matatanggap, mga programang akademiko, at mga pasilidad sa PSU Mexico Campus. Inaasahan ding makikinabang dito hindi lamang ang mga residente ng Mexico kundi maging ang mga mag-aaral mula sa mga karatig-bayan tulad ng Arayat, Santa Ana, at Magalang.
Posible rin umanong makatulong ang pagpapalawak ng kampus upang mabawasan ang demand sa limitadong bilang ng mga slot sa Pampanga State University Main Campus sa Bacolor.
Nagpahayag naman si Dr. Baking ng kahandaan ng unibersidad na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang pag-aralan ang panukalang pagpapalawak. Pinuri rin niya si Gonzales sa personal nitong pagsusulong ng proyekto.
Kasama rin sa naging pagpupulong si PSU Vice President for Academic Affairs Engr. Reden M. Hernandez at Municipal Administrator Engr. Nestor S. Pineda.