SUPORTA SA MGA MAGSASAKA, PINATATAG NG TULOY-TULOY NA PROGRAMA NG PAMAHALAAN
SUPORTA SA MGA MAGSASAKA, PINATATAG NG TULOY-TULOY NA PROGRAMA NG PAMAHALAAN
Sa inisyatiba nina Congresswoman Mica Gonzales at Board Member MyMy Gonzales, at sa buong suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico sa pamumuno nina Municipal Mayor Rodencio “Ruding” S. Gonzales at Vice Mayor Dr. Jonathan R. Pangan, matagumpay na naipamahagi ang labinlimang (15) kalabaw sa mga magsasakang miyembro ng Cawayan, Buenavista, Tangle Farmers Irrigators Association Inc. mula sa Philippine Carabao Center (PCC) noong Hunyo 10, 2026 sa Barangay Cawayan.
Ayon sa mga benepisyaryong magsasaka, umabot ng humigit-kumulang 35 taon bago muling makatanggap ng ganitong uri ng suporta mula sa pamahalaan. Isa itong mahalagang hakbang para sa mas pinalakas na produksyon at kabuhayan sa sektor ng agrikultura.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Ruding ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programang sinimulan ni dating Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at ipinagpapatuloy ngayon ni Congresswoman Mica. Ipinahayag din niya ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa mga magsasaka, kabilang ang tuloy-tuloy na pag-iikot at paggamit ng heavy equipment ng munisipyo para sa paglilinis at pagpapalalim ng mga irrigation canal sa iba’t ibang bahagi ng Mexico.
Dagdag pa rito, ibinahagi rin ni Mayor Ruding ang plano ng LGU na mag-procure ng solar-powered irrigation pump na makatutulong sa mas episyenteng patubig sa mga sakahan habang binabawasan ang gastusin sa krudo ng mga magsasaka.
Samantala, ayon sa Philippine Carabao Center (PCC), magsasagawa ang ahensya ng pagsasanay para sa mga bagong benepisyaryo ukol sa tamang pag-aalaga at pangangalaga ng mga kalabaw upang masiguro ang maayos na pag-aalaga at mas produktibong pakinabang.
Patunay ito na sa patuloy na pagtutulungan nina Mayor Ruding, Congresswoman Mica, at ng Lokal na Pamahalaan ng Mexico, mas napapalakas ang serbisyong hatid sa iba’t ibang sektor ng komunidad, lalo na sa mga magsasakang nagsisilbing haligi ng seguridad sa pagkain ng Bayan ng Mexico.
CLICK HERE:https://www.facebook.com/share/p/18W3dYcJ7Y/







